Tuesday, September 1, 2020

Ang Dogma ng Assumption of the Blessed Virgin Mary

 Ang Dogma ng Assumption of the Blessed Virgin Mary


(Isang simple at maikling paliwanag)


- Humphsky Rey


Ang pag-akyat kay Santa Maria sa langit ay may batayan sa Biblia, nauna na itong idinadaos at inaalala ng mga unang Cristiano bago pa pormal na ideklara ng Simbahan noong 1950. Naniniwala tayo na si Maria ay iniakyat sa langit ng Panginoon, ito'y katotohanan na inihayag ng Diyos sa kanyang Simbahan. Pero alalahanin, magkaiba ang Umakyat(Ascension) sa Ini-akyat(Assumption), kapag sinabing Ascension ito ay ang pag-akyat ng Panginoon sa Langit gamit ang sariling kapangyarihan nito, at kapag Assumption naman ay ang pag-akyat kay Maria sa Langit sa kapangyarihan ng Diyos. 


Si Maria ay maaring paniwalaang namatay bago iniakyat kaya ang mga Orthodox naman ay may tinatawag na Dormition of Mary o pagtulog nito o kaya ay buhay bago iniakyat, gayunpaman ay may kalayaan tayong maniwala.


Wala ding relikya si Maria, walang laman ang kanyang puntod, at walang tala sa mga unang Iglesia ng kanyang pagkamatay at pagkabulok. Bagkus, ayon sa mga tradisyon at sinaunang mga sermon siya ay iniakyat sa Langit. 


Hindi tuwirang mababasa sa Biblia ang pag-akyat kay Maria sa langit, sapagka’t siya ay buhay pa naman noon. Hindi pa siya namamatay. Kaya hindi iyan valid na rason sapagka’t hindi lahat nakasulat sa Biblia(Juan 20:30, 21:25j at meron din sa tradisyon (2 Tesalonica 2:15), bagkus ay ipinapahiwatig ng Kasulatan na siya ay nasa langit na.


 Ito ang ilan sa mga pahiwatig na ito:


Pababangunin ang Panginoon at ang Kaban ng kanyang kalakasan (Awit 132:8) gaya ng pagtawag nito sa kayang sintang maganda (Awit ni Solomon 2:10-14).


Si Maria ang Bagong Kaban na gaya ng Lumang Kaban ng Tipan ay nagtataglay ng Tungkod ni Aaron(simbulo ng Punong Pari), Tinapay na mula sa Langit(buhay), at ang Tabletang Bato ng Utos(Salita ng Diyos) (Hebreo 9:4).


Si Maria ang nagdala kay Cristo, ang tunay na Punong Pari(Hebreo 4:14), ang tunay na Tinapay ng Buhay(Juan 6:48), ang tunay na Salita ng Diyos(Juan 1:1).


Kagaya ng Kaban na nanatili ng tatlong Buwan sa bahay ni Obed-edom(2 Samuel 6:11)ay gayon din si Maria sa bahay ni Elizabeth(Lukas 1:56).


Kagaya din ng pagdalaw ng Kaban kay David ay kanyang sinabing paanong ang Kaban ng kanyang Panginoon ay dadalaw sa kanya(2 Samuel 6:8-9) ay ganoon din si Elizabeth na nagsabing paanong ang Ina ng kanyang Panginoon ay dadalaw sa kanya(Lukas 1:43).


Gayundin naman ang saya ni David at napaindak nang makita ang Kaban(2 Samuel 6:14) kagaya ng Anak ni Elizabeth na si Juan Bautista na noon ay nasa sinapupunan niyan na naindak din sa galak ng sa presensiya ni Maria at ng Anak nito(Lukas 1:44).


Hindi ginalaw ninuman si Maria, kagaya ng Kaban na hindi pwedeng galawin ninuman.


Si Maria ay pinagpala sa lahat (Lukas 1:28, 42, 48) sapagka’t siya'y naging mapagkumbaba, sino mang nagpapakumbaba ay itinataas ng Diyos(Lukas 4:11).


Sa Biblia may mga tao na na iniakyat sa langit kagaya ni Elijah (2 Hari 2:3-9) at Enoch(Hebreo 11:5).


Si Elijah at Enoch ay mga naging kalugud-lugod at banal sa paningin ng Diyos, paano nalang kaya si Maria na naging Banal at lubhang kalugud-lugod( Lukas 1:28, 42, 48)?


Hindi hahayaan ng Diyos na ang lingkod niya ay mabulok sa libingan(Gawa 2:27), si Maria ay isang tunay na alipin at lingkod ng Diyos, ginawa niyang walang duda ang nais ng Diyos (Lukas 1:38).


Ang laman at Dugo ni Cristo na ipinantubos sa atin ay mula kay Maria, si Cristo ay ang Anak ng Diyos, inutos ng Diyos sa mga tao na igalang at mahalin ang ating mga magulang(Exodo 20:12), si Cristo pa kaya na siyang katuparan ng kautusan? Si Cristo lamang ang may kakayahang gawin iyon, kung tayo nga kung maaari lamang ay huwag makitang mabulok ang ating ina, si Cristo pa kaya?


Ang kaganapang ito ay naitakda na sa Genesis 3:15, si Maria ang dudurog sa Ahas. Ito ang unang Mabuting Balita.


Ngayon, nakita ni Juan sa langit ang Templo at ang Kaban ng Tipan (Pahayag 11:19), ang Templo pong ito ay ang Panginoong Hesus at ang Kaban ay walang iba kundi si Maria.


At agad-agad ay nakita sa langit ang isang Babaeng nadaramtan ng Araw at may korona ng labindalawang Bituin na parehong sagisag ng mga Apostol at tribo ng Israel, nasa ilalim nito ang buwan(Pahayag 12:1).


Ang Babaeng ito ay si Maria, ang mga nakitang Araw, Bituin at Buwan ay mga sagisag ng kalangitan, idikasyon na siya ay nasa langit na nga, ang Kaban na naunang nakita sa Pahayag 11:19 ay naging ang Babae sa isang iglap, pero kung mapapansin, sinabing isang Babae, ito ang patunay na si Maria ay iniakyat sa langit katawan, kaluluwa, at Espiritu gaya ng sabi sa Munificentissimus Deus ni Santo Papa Pio XII noong Nobyembre 1, 1950, sapagka’t ang mga naunang iniakyat sa langit ay mga lalake, at ang mga espíritu ay walang katawan at paa, si Maria ngayon ito dahil babae na may katawan. Ito ang dahilan kaya siya ay tinawag na Babae ni Cristo (Juan 2:4, 19:26-27) alinsunod sa hula ng Genesis 3:15 at sa Pahayag 12:1. Mapapansin na Nobyembre 1 ang kanyang deklarasyon na siyang araw ng lahat ng Banal, sapagka’t siya ang reyna ng lahat ng Santo. 


Hindi ikinakaila na maraming interpretasyon ang Pahayag 12:1, pero natitiyak natin na bukod sa Iglesia ay ito si Maria, sapagka’t nanganak ito ng lalake(Pahayag 12:5) ang lalakeng ito ay maghahari gamit ang tungkod at ito ay si Jesucristo ang Kordero (Pahayag 2:27).


Si Cristo ang bagong Adan(1 Corinto 15:45-47), si Maria ngayon ang bagong Eva kaya nga "Ave", ang naunang Eva ay mula sa katawan ng unang Adan, at ngayon ang pangalawang Adan ay mula sa katawan ng pangalawang Eva.


Malinaw na ang ating Inang Maria, sa deklarasyon ng Simbahan na may kapangyarihan at otoridad mula sa Diyos(Mateo 16:18-19, 18:18), ginagabayan ng Espiritu Santo(Juan 16:13), at haligi at pundasyon ng katotohanan(1 Timoteo 3:15), ay inihayg ang katotohanan na ito.


Ito ay may dakilang kapistahan tuwing Agusto 15. Inaalala natin at pinapupurihan ang gawaing ito ng Diyos sa kanya sa ikaapat na misteryo ng Santo Rosario at pagkatapos ay ang kanyang maluwalhating Koronasyon sa langit. 


Ave Maria! Ipanalangin mo kami at mga gaya naming sakdal.


#Ave Maria!

#REYNA!


No comments:

Post a Comment