Noon pa ma'y hindi ko iniisip na maging marunong sa Bibliya. Isa akong tipikal na kabataang palakaibigan. Sumasama-sama kahit kanino at "just go with the flow" until such time na ma-encourage ako to make my faith seriously dahil nagkasakit ako dati ng pneumonia na nagtangkang umagaw sa buhay ko----for a very young age.
Ang mga magulang ko ay mga binyagang Katoliko. Pawang mga deboto sila ng Jesus na Nazareno na nasa Quiapo. Pinag-aral nila ako sa isang pribadong Christian School noong Highschool ako kung saan ay kalaunan ay nahikayat ako sa Born Again Christian o maging Evangelical. Sa kabila ng 'yun, sumasama pa rin ako sa mga magulang ko at sa mga kamag-anak ko tuwing sila ay nagsasama-sama sa pagdarasal ng rosaryo tuwing gabi at sa pagdalo ng misa tuwing Linggo ng umaga. Nag-oobserve din sila ng mga traditions and festivals. I respected it at minsan pa nga ay nakikain pa ako. Kapag naaanyayahan din ako ng mga kapitbahay namin magninong sa mga anak nila, nagpupunta rin ako ng Church. Hindi ko matanggihan kasi nga nakakatuwa na may nakakaalala sa akin. In short, kahit born-again Christian na ako niyon, namumuhay pa rin akong Katoliko.
Noong panahong 'yon ay inosente pa ako sa mga doctrines ng kung ano-anong religion including the Catholic Church. Habang tumatagal ay isinasama-sama ako ng aming pastor sa pag-evangelize at naging miyembro rin ako ng kanilang music ministry bago mag-aral ng 18 months bilang Youth Pastor at nagserve ng isa't kalahating taon. Nagtagal din ako sa Born Again Christian nang apat na taon (2011-2015).
Kalaunan, nanlamig ang pananampalataya ko sa born-again Christian dahil sa aking naging masusing pag-aaral sa theology ng Evangelicals. Ilan sa mga doktrina na aking mahigpit na tinututulan ay ang secret rapture, pag-aakusa sa Catholics na pagsamba raw sa rebulto at yung tithing nila. Unang-una kasi, alam ko naman na di sinasamba ng mga Catholics ang mga imahe at mga rebulto. Walang sinabi sa akin ang aking mga magulang at mga kamag-anak na ito ay pagsamba. Palagi nilang sinasabi ay ito ay paggalang. Naniniwala ako sa kanila kasi alam ko na batid nila ang tama at nakakabuti. Dahil kung iisipin natin, kung diyos-diyosan ang mga iyon ay matagal nang sinumpa ang mga magulang ko subalit lalo silang pinagpapala dahil napagtapos nila ako ng pag-aaral sa pamamagitan ng maliit lamang na tindahan.
Naghanap ng church na masisimbihan sapagkat feeling ko----napapalayo na ang loob ko sa Panginoon. Noong panahong 'yon, ang aking tiyuhin na miyembro ng Iglesia Ni Cristo (Manalo-1914) sa Lokal ng Bayan-Bayanan, Distrito Ekklesiastiko ng Metro Manila East ay pinakiusapan ako na makinig ng kanilang bible study. Noong una akong nakapakinig sa kanila, umayaw ako sapagkat ang sinasabi ng ministro ay pawang mga paninira sa Iglesia Katolika. Sabi ko, bakit kaya ang mga taong 'to ay nanghihikayat para lamang makapakinig ng ganitong mensahe na halata namang di-naaayon sa evangelio ng pag-ibig ni Jesu-Kristo? Natapos ko ang kanilang 25 doktrina sa loob lamang ng isang buwan. Hindi ko talaga alam kung bakit nakapagpatuloy pa ako niyon sa kabila ng pagtutol ng aking mga magulang at mga kamag-anak. Nahikayat kasi nila ako sa kaayusan na mayroon sila sa loob ng kapilya at sa kanilang pagkakaisa lalo na kapag dumarating na ang botohan. Nagtagal ako sa INC 1914 sa loob ng apat na taon (Okt. 12, 2015-Jul. 23, 2019). Sa loob ng apat na taon ay naging kalihim ako sa Ilaw, Kagawad sa PNK at Faith Defender sa Facebook.
Naging ugali ko na noon ang pagsusulat ng mga articles regarding apologetics at pagtulong sa bawat kapatid sa iglesia na nagtatanong at nagnanais na makumpirma ang kanilang pananampalataya. Hanggang sa ma-establish ko ang Iglesia Ni Cristo Ibong Mandirigma Wordpress Blog para doo'y magpublish ng iba't ibang articles na sasagot sa mga arguments ng iba't ibang mga sekta o relihiyon. Minsan nakakaramdam ako ng sama ng loob sapagkat hindi ko maintindihan kung bakit kinakailangan batikusin at siraan ang isang samahang pangrelihiyon para lamang makaakay ng tao na magsimba sa iglesya. Ngunit, wala akong magawa kundi ang maghayag ng mga inaakala kong kasiraan ng ibang mga simbahan dahil ito ang aming pananampalataya at dapat ko itong ipagtanggol.
Kilala nila ako sa taguri na "Mark Ventura" ----ito yung pangalan ng troll account ko noong INC Faith Defender pa ako. Isa ito kasi sa pinagduda ko sa INC 1914 sapagkat ipinagbabawal sa kanila ang pagdepensa ng aral nila sa forums at may isa pang sermon ako na napakinggan galing kay Ka Eduardo na nagbabawal sa amin na magbasa-basa sa online ng mga "nakakalason" raw sa aming pananampalataya. Alam ko na batid nyo na ang sinasabi ko----ayaw nila na mamulat ang kanilang miyembro sa katotohanan na mayroon at nagkalat sa social media. Dahil sa curiosity, tumingin-tingin ako sa Facebook, nagkalat doon ang sagot ng mga CFD at ang mga pira-pirasong Pasugo na kontra-kontra ang pahayag. Isa sa natatandaan ko na mga Pasugo na itinabi ko ay ang isyu nila noong July 1998, sa pahina 6 kung saan ay sinabi nila ito: "Even secular history shows a direct time link between the Catholic Church and the Apostles, leading to the conclusion that the true Church of Christ is the Catholic Church.".
At heto pa ang isa noong Abril 1992 sa pahina 22, :"The Church of Christ during the time of the Apostles became the Catholic Church of the bishops in the second century". Mula nang mabasa ko ito ay tumatak ito sa isip ko na amimado ang Pasugo dito patungkol sa awtoridad ng Iglesia Katolika buhat pa sa mga apostol.
Lumilipas ang ilang panahon, sumulat ako sa Distrito namin noong Okt. ng taong 2018 para tutulan ang kanilang mga doktrina at ihayag ang katiwalaan sa loob ng Kalihiman. Isa itong hamon para sa akin sapagkat alam kong delikado ang ginagawa ko----lalo na't kilala ang INC 1914 sa mga ilang issue ng kaligtasan noong 2015 sa ilang kumakalaban sa kanila. Ang katiwaliang binabanggit ko ay ang pag-aagawan nila sa akay dahil sa kota na hinihingi aniya ng Pamamahala (Eduardo V. Manalo). Nauudyukan ang mga kapatid na manuhol at bolahin ang mga tulad naming kalihim para sirain at dumihan ang mga forms dahil sa kagustuhan nilang mapangaralan kapag nagkaroon ng malakihang pagpupulong sa Lokal. At tuwing nagpupulong sa lokal ay palagi na lamang isinisigaw ng Pastor ng lokal ang dapat na maging kota ng mga kapatid sa paglalagak. Ang nais nila ay kumbinsihin namin ang mga kapatid na masanay at magbigay ng malaki para maabot ang quota tuwing Linggo. Walang kaalam-alam ang mga kapatid sa iglesya na kaming mga maytungkulin ang sumasalo sa kanilang kasalanan. Kami tuloy ang pinapagalitan sa kagagawan nila.
Ang sulat ko sa Distrito para sa request kong maalis sa iglesia ay hindi napagbigyan. Nagpatuloy ako sa aking pagiging Faith Defender ngunit halata ng marami sa mga naging huling laban ko na nahihirapan akong idepensa ang aming doktrina. Pinatawag ako sa Templo Central at doo'y pinagawa nila ako ng sulat para bawiin ang aking mga pagtutol sa kanilang doktrina. Pinilit nila ako humarap sa camera upang basahin 'yon at iyon nga ang ginagamit ng INC 1914 laban sa akin. Dahil nalinis na nila ang kanilang pangalan, itiniwalag nila ako sa kasong pakikipagdebate raw ng walang pahintulot sa social media at maging sa personal. Subalit, ang nakakapagtaka bakit ako lamang ang itiniwalag nila samantalang ang mga nakasama ko ay hindi?
Noong una ay nahirapan akong mag-adjust noong itiniwalag ako sa INC 1914 sapagkat binabantaan pa rin nila ako na kapag ini-expose ko raw sila sa kanilang doktrina at sa mga katiwaliang binanggit ko ay mapapaano ako at ang aking mga magulang kaya nanahimik na lamang ako sapagkat wala kaming laban sa kanila. Hindi naman nagtagal ay nagkaroon ako ng mga kaibigang Seventh-Day Adventists.
Matagal-tagal rin akong nakipag-aralan sa kanila. Noong Okt. 15, 2019 ay nabautismuhan ako bilang isang ganap na Adventist. Ang naging hamon sa akin ay harapin ang mga dati kong kasama sa INC 1914 na kapuwa ko mga Defender of Faith. In-edit nila ang pictures ko at ginawan ng kung ano-anong memes gaya ng ginagawa nilang panunuya kay Bro. Eli Soriano ng MCGI.
Sa loob ng maraming buwan na pananatili sa Adventist Church bilang isang aktibong misyonaryo, social media evangelist at Faith Defender ay nagpasya ako na lisanin ang SDA Church dahil sa aking masikap at patas na pag-aaral ng Bibliya..
Nagpapasalamat rin ako sa Adventist Church na binigyan nila ako ng kalayaan na magsaliksik----sa pamamagitan ng mahabang panahon ay kumbinsido ako sa aking naging pag-aaral.
Mula sa malalim na pag-aanalisa at pagsisiyasat sa mga dokumento na mayroon ang Seventh-Day Adventist na available sa kanilang websites at sa Adventist Biblical Research Institute ay pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa pagbabalanse ng sagot ng Adventist at Catholic Church sa iba't ibang paksa. Nagbasa ako ng mga articles, nagdownload ng pdf's na may kaugnayan sa hermeneutics at nagkonsulta din ako sa iba't ibang tao para mabuo ang aking pasya----na umalis sa SDA Church dahil sa mga pagtuturo ni E.G White. Hindi ako nakumbinsi at nakuntento sa sagot sa akin ng SDA Church lalo na sa kanilang doktrina concerning Investigative Judgement, Sanctuary doctrine, Sabbath at sa Shutdoor statements ni E. White noong 1844-1851.
Bago naman ako nagdesisyon na umuwi sa Iglesia Katolika ay humingi ako ng "sign" mula sa Panginoon. Hindi naman niya ako binigo----nanaginip ako na pumasok sa isang simbahan na may krus sa itaas at mayroong mga makukulay na disenyo ang bintana nito. Noong pumasok ako ay narinig ko sa aking panaginip ang pag-alingawngaw ng kampana. Hinding-hindi ko malilimutan ang panaginip kong ito sapagkat madaling sumagot ang Panginoon sa akin at alam ko na ngayon ay tumatahak na ako sa daang niloob niya.
Sa kasalukuyan, patuloy akong nag-aaral ng doktrina ng Inang Simbahan at natutuhan kong huwag basta maniwala at humusga lalo na kung wala tayong pag-aaral sa Katesismo, Tradisyon o Magisterium ng Simbahan. Magsilbi nawa inspirasyon sa mga kapuwa, kapatid at kababayan nating Katoliko na manatili at magpakatatag sa kanilang pananampalataya sapagkat ako ay isang buhay na patotoo mula sa iba't ibang grupo ng Protestante na magpapatotoo at handang tumulong sa inyo na sagutin ang lahat ng paninira ng Protestante sa ating Inang Simbahan, kay Mama Mary, at sa Santo Papa na madalas tampukan ng mga bintang nila na pawang mga pangbabaluktot lang ng kasulatan. Dinadalangin ko na parati akong gabayan at samahan ng Panginoon sa aking landas na nilalakad hanggang matapos ko ang takbuhin ng pananampalataya.
Stay Catholic!
Stay CUTE (Catholic Until The End).
Pro Deo Et Ekklesia!!
Credits to Catholic Lay Apologetics

No comments:
Post a Comment