Tuesday, September 1, 2020

SI CRISTO AT ANG JUAN 8:40: HINDI NA BA DIYOS SI CRISTO DAHIL SINABI NIYA NA SIYA AY TAO? By Humphsky Rey




Ayon sa mga tumututol sa pagkaDiyos ang ating Panginoong Hesus, hindi daw pwedeng maging Diyos si Cristo sapagka’t sa Bible ay kanyang inamin mismo na siya ay isang tao. Katunayan, isa sa pinakaginagamit nilang talata ay ang Juan 8:40 na ganito ang sinasabi:


"Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham." Juan 8:40


Ayan, malinaw daw na sinabi ni Cristo na siya ay tao kaya nga hindi daw siya Diyos.


Pero, para sa ating mga Katoliko, wala namang problema kung sabihin ni Cristo na siya ay tao, at kung si Cristo ay tao ayon sa mga talata ng Biblia. Sapagka't naniniwala tayon na si Cristo ay tunay na tao pero tunay din namang Diyos. Sapagka’t siya bilang isang Divine Person, o ang Pangalawang Persona ng Trinity ay nagtataglay ng dalawang Kalikasan, ang pagkaTao at ang pagkaDiyos, ang dalawang ito ay puspos sa kanya, magkaiba pero hindi mapaghihiwalay.


Now, noon bang sinabi ni Cristo na siya ay tao ay ibig bang sabihin hindi na siya Diyos? Hindi po. Dahil noon mga panahong iyon ay tunay na nasumpungan siya sa kalagayang tao. Dahil siya ay naging isang tao:


"Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan." Juan 1:1,14


Iyan po ang tinatawag nating Incarnation o ang pagkakaroon ng laman ng Diyos. Siya ay nag-anyong tao at nagpakababa, hinubad niya ang kanyang pagiging kapantay sa Diyos at nakitulad sa isang alipin, ganito ang sabi ni San Pablo:


" Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit siya'y likas at tunay na Diyos,hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.

Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao. At nang si Cristo'y maging tao,

nagpakumbabá siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus."

Filipos 2:5-8


Ayon, malinaw po na si Cristo ay nagpakababa, kaya nga pinapayuhan din tayo ni San Pablo na tularan si Cristo sa kanyang pagpapakumbaba. Na dahil dito'y hinubad niya ang kanyang pagkakapantay sa Diyos at nakitulad sa tao at alipin, iyan ng tinatawag na Kenosis. At palibhasa siya ay nasumpungan sa anyong tao ay naging masunurin hanggang kamatayan.


Iyan po ay tanda ng labis na pagmamahal ng Diyos sa atin, kaya niyang ibigay ang buhay niya para sa ating mga tupa niya.


“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa."

Juan 10:11


Kung kaya dahil sa pagpapakumbaba na iyon ay natural lamang na akuin ni Cristo ang kanyang pagiging tao, taong nauuhaw, nagugutom, nahihirapan, nasasaktan, namamatay. Dahil hindi niya kailanman ipinangalandakan na siya ay isa ding Diyos. Oo nga naman, ano pang magiging saysay ng kanyang pagpapakumbaba kung siya ay maghahayag na siya ay isang Diyos? Magiging kontra po iyon sa Biblia.


Isa pa, si Cristo ay naging tao upang magbigay halimbawa sa atin, hindi naman pwedeng ang Diyos mismo ang maging halimbawa natin, tayong mga tao ay walang kakayahan na gayahin ang halimbawa ng Diyos, nararapat na siya ay maging tao upang maging modelo ng sangkatauhan.


"Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa.

Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan." Juan 13:14-15


"Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan." 1 Pedro 2:21


Malinaw po iyan.


Isa pa pong halimbawa ay naging tao siya upang kanyang malasap ang kalagayan nating mga tao na naririto sa mundo gaya ng tukso:


" Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos.

Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala.

Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan." Mga Hebreo 4:14-16


Kaya nalalaman ni Cristo ang ating kahinaan at kalagayan.


Gayundin naman, siya ay naparito upang maglingkod at sirain ang gawain ng Diablo.


" Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Mateo 20:28


"Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo."

1 Juan 3:8


At upang ang mundo ay muling maiayos ang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng kabayarang ginawa niya sa ating mga kasalanan.


" Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.

Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos."

2 Corinto 5:19, 21


"Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” Marcos 10:45


Sadyang napakataas ng Diyos, hindi natin siya kayang arukin, pero sa kabila nito ay naging mapangahas ang tao at tila naglagay ng putik sa ulo ng Diyos. Nakagawa ang tao ng bagay na kasuklam-suklama na hindi kailanman niya mababayaran kahit lahat ng tao ay magbuhos ng kanilang dugo. Napakataas ng Diyos, isipin kung paanong insulto na lamang ang ginawa ng tao sa kanya. At dahil nga sa hindi ito kayang bayaran ng anumang sakripisyo ng tao ay ibinigay niya ang kanyang Anak na isa ding Diyos na iisa sa kanya upang siyang magbayad nito. Sapagka’t tanging Diyos lamang na gaya niya ang kanyang magbayad at umayos ng insultong ibinigay ng taong napakababa.


"Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao."

1 Juan 2:2


"kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan." 1 Pedro 1:19


"Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na sana silang dapat alalahanin, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli.

Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon,

sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.

Dahil diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos: “Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin, hindi mo na ibig sa dambana dalhin, hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog, at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan. Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.

At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili.

Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at naghahandog ng ganoon ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan.

Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos.

Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos."

Mga Hebreo 10:2-5,10-12,14


Gayunpaman, kahit na si Cristo ay naging tao, hindi naalis sa kanya ang pagiging isang tunay na Diyos.


"Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak" Colosas 1:19


At since nanatili sa kanya ang kalikasan ng Diyos, ay nasa kanya ang buong kapuspusan nito kahit na nag-anyo siyang tao.


"Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao." Colosas 2:9


Tungkol naman aa katanungan kung bakit hindi inihayag ni Cristo ng direkta na siya ay Diyos, iyon po ay dahil nagpakumbaba siya, kaya nga para hindi maging "self-service" ay ganito ang mismomg sinabi ni Cristo:


“Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan.

Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi." Juan 5:31-32


Malinaw, hindi na kailangan pa ni Cristo na ipakilala ang kanyang sarili bilang Diyos dahil may mga iba na palang magpapatotoo sa kanya. Sapagka't kung siya lamang nga naman ang magsasabi sa sarili niya ay tila baga nagsasarili siya at walang maniniwala aa kanya. Sa Bible po kasi ay kailangan ng tinatawag na "witnesses" o mga saksi sa iyo upang masabi na ang iyong sinasabi ay may katotohanan.


Gayunpaman isa ding rason ay hindi naparito si Cristo para ipakilala ang kanyang sarili kundi ang kanyang Ama:


"Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama." Juan 1:18


Now, alamin din natin kung sino ang mga ibang magpapatotoo sa pagkaDiyos ni Cristo, narito ang ilan sa kanila:


Sa Lumang Tipan palang ay ipinapakilala na sa atin si Propeta Isaias kung sino si Cristo:


" Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan." Isaias 9:6


"Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel." Isaias 7:14


Malinaw po ang pagpapakilala ni Isaias, eh sino bo ba iyang bata na iyan?


“Tingnan ninyo; ‘Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.’”(Ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos” Mateo 1:23


Si Cristo po.


"Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na.

Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan." Lucas 2:5,7


Dumako naman tayo sa Bagong Tipan, ano ang patotoo ng mga alagad ni Cristo sa kanya?


Unahin na natin ang isa sa kanyang Apostol na pinakamamahal na si San Juan:


" Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama." Juan 1:1,14,18


Malinaw pong pinatutunayan ni San Juan na si Cristo nga ay isang tunay na Diyos. Siya ang Salita na umiral na bago lalangin ang daigdig, sa kanya nalikha ang lahat ng bagay, naging tao siya.


At dito parin sa Evangelio ni San Juan ay isa pang Apostol ang naghayag ng kanyang pananampalataya, isang natatanging Doxologia naman ang inihayag ni Santo Tomas ng kanyang sinabi kay Cristo:


"Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”

Juan 20:28


Isang napakalakas na paghahayag ng pananampalataya ang kanyang binitawan. Si Cristo nga ay tunay na Diyos at Panginoon.


Now, tanungin din natin ang isa sa mga oinakatanyag na Apostol ni Cristo, siya ay walang iba kundi si Apostol Pablo, kung ano ang kanyang masasabi bukod sa Filipos 2:5-8, at Colosas 2:9, ganito ang sinabi niya:


"habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo." Tito 2:13


At kanya pa itong sinundan,


"Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian." 1 Timoteo 3:16


Tanungin din natin ang ating unang Santo Papa kung ano ang kanyang pagpapatotoo kay Cristo, walang iba kundi si San Pedro:


" Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo—Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo." 2 Pedro 1:1


Malinaw na sinasabi sa atin ni Apostol San Pedro na si Cristo nga ay ang ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas.


Upang makumpleto ito ay atin naman tanungin mismo ang Ama, kung ano ang kanyang patotoo sa Anak, ganito ang sinasabi:


" Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan." Mga Hebreo 1:8


Malinaw po na mismong ang Ama na ang tumawag kay Cristo bilang Diyos. Ito ay isang katotohanan na ang Anak ay iisa ang kalikasan sa Ama. Kaua nga mismong si Cristo ay nagsabing:


"Ako at ang Ama ay iisa.” Juan 10:30


Kaya malinaw po ang sinasabi ng banal na kasulatan. 


Ngayon, ano ang mga patunay na si Cristo ay Diyos kahit na siya ay tao? May mga katangian ba siya ng pagiging isang Diyos? Meron po, alamin natin yan sa isang tanong at sagot:


Tanong: Si CRISTO ba ay SINAMBA?


Sagot: OO, Siya ay SINAMBA (Mateo 28:17; Juan 9:38). 


Tanong: NANALANGIN ba sila kay CRISTO?


Sagot: OO, NAGDASAL sila sa Kanya (Gawa 7:59-60). 


Tanong: ALAM ba ni CRISTO ang LAHAT N BAGAY?


Sagot: OO, ALAM Niya ang LAHAT (Juan 21:17; Colosas 2:3). 


Tanong: UMIRAL na ba si CRISTO bago ang PAGLIKHA?


Sagot: OO, UMIIRAL na si CRISTO bago malikha ang lahat (Mikas 5:2, Juan 1:1). 


Tanong: Si CRISTO ba ay MAKAPANGYARIHAN sa LAHAT?


Sagot: OO, si CRISTO ay MAKAPANGYARIHAN sa LAHAT (Filipos 3:21) 


Tanong: Si CRISTO ba ay MANLILIKHA?


Sagot: OO, si CRISTO ay MANLILIKHA (Hebreo 1:8-10). 


Tanong: Si CRISTO ba ay NASA LAHAT?


Sagot: OO, si CRISTO ay NASA LAHAT (Efeso 1:23; Colosas 3:11). 


Tanong: Si CRISTO ba ay WALANG HANGGAN?


Sagot: OO, si CRISTO ay WALANG HANGGAN (Apocalipsis 1:17-18). 


Tanong: Si CRISTO ba ay TINAWAG na YAWEH o JEHOVAH?


Sagot: OO, si CRISTO ay TINAWAG na YAWEH o JEHOVAH (Isaias 40:3 & Juan 1:23; Joel 2:32 & Roma 10:13). 


Tanong: Si CRISTO ba ay NARARAPAT na TAWAGING DIYOS?


Sagot: OO, si CRISTO ay NARARAPAT na TAWAGING DIYOS (Juan 20:28; Isaias 9:6). 


SAMAKATUWID, si CRISTO ay TUNAY na DIYOS!!

No comments: